ANG PANANAMPALATAYA AT GAWA
Ang Pananampalataya at Gawa
Paano
ipapaliwanag ang sinasabi sa Roma 3:22-26 na ang tao ay mapapawalang
sala sa pamamagitan ng pananampalatya lamang kay Kristo Hesus at ang
sinasabi naman ng Santiago 2:14-26 na hindi lamang sa pananampalataya
kundi sa kanyang ginawa?
Upang maintindihan ang binabanggit na mukhang magkasalungat na pahayag dapat munang isaalang-alang at paniwalaan na ang dalawang aklat ay Salita ng Diyos, at ang sinasabi Niya ay di kailanman may salungatan sapagkat iisa lang ang may-akda, ang Banal na Espiritu. Ang ating limitado na pag-iisip ang may deperensya at di ang Kanyang Salita. Dapat maunawaan at tanggap natin ang mga ito. Kailangan maunawaan natin ang isyu na pinag-uusapan, at ang pag-unawa sa pananampalataya.
Ang Isyu
Sa aklat ng Roma mapapansin natin ang diin ni Pablo na ang pagsunod sa
batas ng Diyos ay di magdudulot ng katuwiran na magpapawalang-sala at
tanging ito ay matatagpuaan lamang kay Hesus. At sa pamamagitan ng
pananampaltaya kay Hesus ang tao ay magkakaroon ng katuwiran na
magpapawalang-sala upang sa kanyang kaligtasan. Ang isyu ay may mga
nagkakalat na miyembro ng sinagoga ng mga Hudyo na kailangan sundin ang
batas ni Moises upang maging ganap para sa kaligtasan (Mga Gawa 15:5).
Sila ay tinatawag na LEGALIST. Ating dapat na maintindihan na walang
kinalaman ang mabuting gawa sa kaligtasan. Tanging ang pananampalataya
lamang ang makakapagpawalang-sala sa tao.
Sa aklat
naman ng Santiago ay may mga naghahayag naman na hindi na dapat sumunod
sa batas sapagkat hindi naman ito ang magpapawalang-sala kundi ang
pananampalataya kay Kristo lamang. Ang mga taong ito ay mga
ANTINOMIANIST na kahit walang nais na sumunod sa batas ng Diyos ay may
kaligtasan pa rin. Dapat nating tandaan na iniligtas ng Diyos ang tao
upang sumunod sa Kanya (Ezekiel 36:27, Mateo 5:16 at Efeso 2:10).
Isa pa na isyu na dapat natin maintindihan na sa Roma ang
pinatutungkulan ay Tunay na Kaligtasan. Pananampalatya ba o Gawa ang
makapagbibigay ng kaligtasan? At sa aklat ng Santiago naman ay Tunay
na Pananampalataya. Ano ang karakter ng isang tunay na pananampalataya?
Paano malalaman na buhay na pananampalataya patay na pananampalataya?
Ang Roma ay nakapokus sa kaligtasan at sa Santiago naman ay nakapokus sa uri ng
pananampalataya.
Ang Pananampalataya
Ang pananampalataya ay ipinagkaloob ng Diyos hindi upang makilala si
Hesus lamang kundi mamuhay din sa Kanya. Ito ay di patay na
pananampalataya gaya ng mga demonyo na nananampalataya din sa Diyos
ngunit walang pagsunod o walang mabuting gagawin na magbibigay
kaluguran sa Diyos. Sa Hebreo 11:6 sinasabi na imposibleng malugod ang
Diyos kung walang pananampalataya. Paano malulugod ang Diyos sa
pananampalataya na namumuhi at rebelde sa Kanya gaya ng mga demonyo
(Santiago 2:19).
Kung ating bibigyan ng konklysyon
ang pananampalataya na binabanggit ni Pablo na magpapawalang-sala ay
may karakter na nagpapasailalim sa kapangyarihan ng Diyos. Maraming
gumagawa ng mabuti sa mundo at kung ito ang magiging sukatan ng
kaligtasan ang mga Buddhist ay nararapat na maligtas kahit di
kinikilalanag Diyos si Hesus at mga muslim na di kinikilala si Hesus
bilang Diyos. At ito naman ay sumasalungat sa Gawa 4:12 na walang ibang
pangalan na makapagliligtas kundi ang pangalang Hesus. Dapat tayong
magpagpasalamat sa Diyos dahil ang aklat ng Santiago ay nagbibigay ng
kaalaman at karunungan patungkol sa tunay na pananampalataya. Ang
dalawang aklat na ito ay hindi nagbabangga sa doktrina kundi
nagtutulungan upang makapagbigay ng sapat na karunungan sa tunay na
kaligtasan ng tao. Sa Roma paano magkakaroon ng buhay na walang hanggan
at ang sagot ay sa pananampalataya. Sa Santiago naman ay paano
malalaman na tunay na pananampalataya. At ang sagot kung mayroong
pagsunod sa Utos ng Diyos na siya ring tinuturing na gawa.
-jhun balanon-
FOR GOD'S GLORY
In : Pananampalataya