Ang Pananampalataya at Gawa

Paano ipapaliwanag ang sinasabi sa Roma 3:22-26 na ang tao ay mapapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalatya lamang kay Kristo Hesus at ang sinasabi naman ng Santiago 2:14-26 na hindi lamang sa pananampalataya kundi sa kanyang ginawa? 

      Upang maintindihan ang binabanggit na mukhang magkasalungat na pahayag dapat munang isaalang-alang at paniwalaan na ang dalawang aklat ay Salita ng Diyos, at ang sinasabi Niya ay di kailanman may salungatan sapagkat iisa lang ang may-akda, ang Banal na Espiritu. Ang ating limitado na pag-iisip ang may deperensya at di ang Kanyang Salita. Dapat maunawaan at tanggap natin ang mga ito.  Kailangan maunawaan natin ang isyu na pinag-uusapan, at ang pag-unawa sa pananampalataya.


Ang Isyu

      Sa aklat ng Roma mapapansin natin ang diin ni Pablo na ang pagsunod sa batas ng Diyos ay di magdudulot ng katuwiran na magpapawalang-sala at tanging ito ay matatagpuaan lamang kay Hesus. At sa pamamagitan ng pananampaltaya kay Hesus ang tao ay magkakaroon ng katuwiran na magpapawalang-sala upang sa kanyang kaligtasan. Ang isyu ay may mga nagkakalat na miyembro ng sinagoga ng mga Hudyo na kailangan sundin ang batas ni Moises upang maging ganap para sa kaligtasan (Mga Gawa 15:5). Sila ay tinatawag na LEGALIST. Ating dapat na maintindihan na walang kinalaman ang mabuting gawa sa kaligtasan. Tanging ang pananampalataya lamang ang makakapagpawalang-sala sa tao.

     Sa aklat naman ng Santiago ay may mga naghahayag naman na hindi na dapat sumunod sa batas sapagkat hindi naman ito ang magpapawalang-sala kundi ang pananampalataya kay Kristo lamang. Ang mga taong ito ay mga ANTINOMIANIST na kahit walang nais na sumunod sa batas ng Diyos ay may kaligtasan pa rin. Dapat nating tandaan na iniligtas ng Diyos ang tao upang sumunod sa Kanya (Ezekiel 36:27, Mateo 5:16 at Efeso 2:10).

      Isa pa na isyu na dapat natin maintindihan na sa Roma ang pinatutungkulan ay Tunay na Kaligtasan. Pananampalatya ba o Gawa ang makapagbibigay ng kaligtasan?  At sa aklat ng Santiago naman ay Tunay na Pananampalataya. Ano ang karakter ng isang tunay na pananampalataya? Paano malalaman na buhay na pananampalataya  patay na pananampalataya? Ang Roma ay nakapokus sa  kaligtasan at sa Santiago naman ay nakapokus sa uri ng pananampalataya.


Ang Pananampalataya

      Ang pananampalataya ay ipinagkaloob ng Diyos hindi upang makilala si Hesus lamang kundi mamuhay din sa Kanya. Ito ay di patay na pananampalataya gaya ng mga demonyo na nananampalataya din sa Diyos ngunit walang pagsunod o walang mabuting gagawin na magbibigay kaluguran sa Diyos. Sa Hebreo 11:6 sinasabi na imposibleng malugod ang Diyos kung walang pananampalataya. Paano malulugod ang Diyos sa pananampalataya na namumuhi at rebelde sa Kanya gaya ng mga demonyo (Santiago 2:19).

      Kung ating bibigyan ng konklysyon ang pananampalataya na binabanggit ni Pablo na magpapawalang-sala ay may karakter na nagpapasailalim sa kapangyarihan ng Diyos. Maraming gumagawa ng mabuti sa mundo at kung ito ang magiging sukatan ng kaligtasan ang mga Buddhist ay nararapat na maligtas kahit di kinikilalanag Diyos si Hesus at mga muslim na di kinikilala si Hesus bilang Diyos. At ito naman ay sumasalungat sa Gawa 4:12 na walang ibang pangalan na makapagliligtas kundi ang pangalang Hesus. Dapat tayong magpagpasalamat sa Diyos dahil ang aklat ng Santiago ay nagbibigay ng kaalaman at karunungan patungkol sa tunay na pananampalataya. Ang dalawang aklat na ito ay hindi nagbabangga sa doktrina kundi nagtutulungan upang makapagbigay ng sapat na karunungan sa tunay na kaligtasan ng tao. Sa Roma paano magkakaroon ng buhay na walang hanggan at ang sagot ay sa pananampalataya. Sa Santiago naman ay paano malalaman na tunay na pananampalataya. At ang sagot kung mayroong pagsunod sa Utos ng Diyos na siya ring tinuturing na gawa.

    

-jhun balanon-

FOR GOD'S GLORY