Sa loob ng mahabang panahon may iba’t ibang pananaw ang tao sa Kristiyanismo. Marami ang nagsasabi na sila ay Kristiyano ngunit may iba’t ibang pananaw patungkol sa kahulugan, prinsipyo, at pamumuhay Kristiyano. Sa ibang grupong panrelihiyon ang pagbibinyag sa bata ay pagkilala sa pagiging Kristiyano nito. Sa iba naman ay patungkol sa bautismo o pagsapi sa isang relihiyon. Ano nga ba ang ibig sabihin ng Kristiyanismo? Paano natin malalaman na ang isang tao ay isang Kristiyano? Bakit marami sa mga nagsasabi na sila ay Kristiyano ngunit sa kanilang pamumuhay ay walang Kristo? Ilan lang ito sa mga katanungan na gumugulo sa mga isipan.

            Ako ay isa sa mga naguguluhan patungkol noon sa ganitong usapin kung sino nga ba an nagsasabi ng katotohanan patungkol sa Kristiyanismo. Ang nagpapagulo sa aking isipan patungkol sa Kritiyanismo ay hindi ang mga taong di tinganggap ang HESUS kundi ang mga taong nagsasabing tinanggap nila si HESUS bilang Panginoon at Tagapagligtas. Sapagkat marami sa aking mga nakasama sa ministeryo ay bumalik sa dating makamundong pamumuhay. Sila ay mga nagsasabing tinaggap nila si Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, nagdesisyong susunod kay Hesus at masigasig sa mga gawain at sa kanilang ministeryo. Ngunit dumating ang panahon ay wala na sila sa ministeryo, at sa mas minahal na nila ang mundo ayon sa kanilang pamumuhay. Sa kanilang buhay ay hindi makikita ang Hesus. Sila ba ay tunay na Kristiyano o sila yaong mga tumatawag ng Panginoon, Panginoon kay Hesus ngunit hindi makakapasok sa Kaharian ng Diyos (Mateo 7:21) o yung nagsasabing nakasama nila ang Hesus sa hapag kainan at nangaral sa kanilang lugar (Lukas 13:25).

            Ang tanong na, “Paano natin malalaman na ang isang tao ay isang tunay na Kristiyano?” ay napakahalagang sagutin upang mabenipisyohan ang bawat isa na naguguluhan patungkol sa Kristiyanismo, lalong lalo na malaman ng bawat isa na nagsasabing Kristiyano kung sila nga ba ay tunay na Kristiyano o hindi. Sa pagsagot din sa katanungan na ito, ito ay magbibigay ng katiyakan at katibayan sa kanyang estado sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ni Hesu-Kristo. Malalaman niya na kung ang mga katangian ng isang tunay na Kristiyano ay wala sa kanya ay maging babala sa kanya ito upang siya ay magtiwala sa Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa kasalanan at pananampalataya kay Hesu-Kristo bilang Panginoon, Tagapagligtas, at Diyos ng kanyang buhay. At kung malaman niya na siya ay tunay ayon sa katangian ng pagiging Kristiyano siya ay magkakaroon ng kagalakan sa kanyang kaligtasan.